Inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na mas mataas ang tsansang mahawa ng COVID-19 ang mga bata na nasa bahay kaysa sa paaralan, batay umano sa ulat ng United Nations Children's Fund (UNICEF).
Sinabi ito ng kalihim nitong Miyerkoles sa harap ng paghahanda ng pamahalaan na subukan ang limitadong face-to-face classes simula sa Enero 2021.
“Sinasabi na lahat ng pag-aaral nagpapakita na ang pinaka-lowest threat ay sa schools. Ang malaking posibilidad ay sa homes kasi that is where they spend most of their time and other places,” paliwanag ni Briones sa Laging Handa briefing, batay umano sa ulat ng UNICEF.
Kamakailan lang, hiniling ng UNICEF sa pamahalaan na “prioritize reopening schools and take all actions possible to make them as safe as possible.” Batay umano sa pinakahuling pag-aaral mula sa datos ng 191 bansa, lumilitaw na “no association between school status and COVID-19 infection rates in the community.”
“Kaya tinitingnan namin iyan sa mga pag-aaral but, ingat pa rin tayo dahil sinasabi na ang mga bata maski asymptomatic - hindi natin sila tinitingnan dahil asymptomatic sila – baka may dala-dala silang virus na puwedeng ipasa sa members ng kanilang households,” sabi ni Briones.
Isasagawa sa mga piling paaralan sa mga lugar na mababa ang COVID-19 transmission ang face-to-face classes simula sa January 11 hanggang 23, 2021.
Ang naturang dry run ay imomonitor naman ng DepEd at COVID-19 National Task Force.
Ipinaliwanag naman ng pamahalaan na boluntaryo ang pagdalo sa face-to-face classes, at dapat pumapayag ang mga magulang ng mga bata na dadalo sa klase.
“Kami naman sa Department of Education, nakikita namin na baka mag-expect ang taumbayan na ngayong may posibilidad na may vaccine na ay i-implement na ang face-to-face,” ayon kay Briones.
“Kaya iyong permiso na hinihingi namin sa Presidente ay paggawa ng pilot study para kung nandiyan na ang vaccine, handa na ang lahat, mayroon na kaming ideya kung paano namin ito ipapatupad,” dagdag niya.
Mayroon 1,114 paaralan ang inirekomenda na sumali sa pilot run, pero susuriin pa umano ang sitwasyon sa mga paaralan kaya maaari itong mabawasan.
Kabilang sa mga rekisitos para makasama sa dry run ang paaralan ay ang mahigpit na pagsunod sa health protocols at pagsang-ayon ng mga magulang at lokal na pamahalaan.
Ang Metro Manila, Davao City at Cotabato, nagpahayag na hindi sasali sa naturang pilot run ng face-to-face classes.
Una rito, sinabi ng Coordinating Council of Private Educational Associations na hindi handa ang kanilang mga paaralan sa face-to-face classes sa school year na ito.--FRJ, GMA News