Patuloy ang ginagawang pagbalasa ni Speaker Lord Allan Velasco sa mga posisyon sa Kamara de Representes. Pinakabagong hinubaran ng komite si Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor, at dalawang mambabatas pa ang nadagdag sa humahabang listahan ng Deputy Speakers.
Sa huling araw ng sesyon ng Kamara nitong Miyerkoles para sa kanilang Christmas break, inanunsyo ang pag-alis kay Defensor bilang pinuno ng House Committee on Public Accounts, at ipinalit si Probinsyano Ako party-list Representative Jose "Bonito" Singson.
Bagaman kilala si Defensor na tagasuporta ni dating Speaker Alan Peter Cayatano, ang kasalukuyang Majority Leader na si Leyte Rep. Martin Romualdez, ang sinuportahan ng una bilang kandidatong Speaker noong 2019.
Dismayado si Defensor sa ginawa ni Velasco na hindi man lang umano siya kinausap bago alisan ng pinamumunuang komite.
""Speaker Lord Velasco is the worst. He didn’t even have the courtesy to talk with me even as we had a short meeting last week as regards the investigation to be conducted by the Committee on Public Accounts. He even requested me that we all suspend investigations until January which I respectfully agreed to," sabi ni Defensor.
Paliwanag ng mambabatas, hindi naman siya tututol kung sasabihan siya ni Velasco na bitawan ang kaniyang komite.
"Civility and leadership dictates that even as we have differences in the past leadership fight, that we treat each other in a respectable manner," giit niya.
"I am comforted by the thought that clear lines have been drawn and in the spirit of the season, I wish Speaker a Merry Christmas," dagdag niya.
Samantala, itinalaga naman si Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. bilang pinuno ng House Committee on Constitutional Amendments, kapalit ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, na nauna nang hinirang na isa sa mga deputy speaker.
Ibinigay naman kay Bulacan Rep. Henry Villarica ang posisyon na binakante ni Garbin bilang miyembro ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).
Hinirang naman bilang vice chairman ng House Committee on National Defense, at miyembro ng House Committee on Games and Amusements, si Duterte Youth party-list Representative Ducielle Cardema, kasama rin si Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella.
Itinalaga naman si Catanduanes Rep. Hector Sanchez bilang vice chairman ng House Committee on Basic Education and Culture, habang si TGP party-list Rep. Jose Teves ay nahalal na vice chair ng House Special Committee on Food Security, kapalit ng bago ring Deputy Speaker na si Ruel Pacquiao.
32 Deputy Speakers
Matapos maghalal ng siyam na deputy speakers noong nakaraang linggo, dalawa pa ang nadagdag sa listahan para umabot na ngayon sa 32, ang pinakamarami sa kasaysayan ng kapulungan.
Ang mga bagong deputy speaker ay sina Cavite Rep. Abraham Tolentino at Davao City Rep. Isidro Ungab.
Kilalang kaalyado ni Cayetano si Tolentino at nahirang pa noon bilang chairman ng House Committee on Accounts.
Samantala, bahagi naman si Ungab ng Hugpong ng Pagbabago party ni Davao City Mayor Sara Duterte, na malapit na kaibigan ni Velasco.
Bukod kina Tolentino at Ungab, hinalal din bilang deputy speaker ngayong linggo si Cavite Rep. Strike Revilla.--FRJ, GMA News