Sinagip ng mga awtoridad sa Quezon City ang halos 60 katutubong lumuwas sa Kamaynilaan upang mamasko.
Iniulat ng "Balitanghali" nitong Miyerkules na kabilang sa mga na-rescue ng Task Force Disiplina ang mga bata, buntis, at mga matatandang Badjao.
Ayon sa ulat, karamihan sa halos 60 na mga katutubo na na-rescue ay walang mga face mask at nagkukumpulan.
Pahayag ng mga katutubo, galing sila sa Pampanga at nagpunta sa Kamaynilaan upang mamasko. Anila, taon-taon umano nila itong ginagawa.
Kuwento ng isa sa kanila, mga vendor umano sila at dahil sa lockdown naubos ang puhunan nila. Kaya sila nagpunta sa dito sa Kamaynilaan upang mamasko at makaipon ng pampalit sa naubos nilang puhunan.
Dagdag ng mga katutubo, takot daw sila sa sakit, pero mas natatakot sila sa gutom.
Pahayag mga awtoridad sa Quezon City, ang pag-rescue sa mga katutuo ay bahagi sa pagpapatupad ng health protocols laban sa COVID-19.
Mapayapa namang sumama sa mga awtoridad ang mga katutubo na pansamantala munang titira sa himpilan ng task force hanggang sa maihatid sila pabalik ng Pamgpanga. —LBG, GMA News