Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na handa siya na unang mabakunahan kapag mayroon nang COVID-19 vaccine sa Pilipinas.

Ang pahayag ay ginawa ng kalihim bilang tugon sa hamon ni Senador Bong Go na siya [Duque] at vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr., ang mga dapat maunang magpabakuna para maipakita ang tiwala ng publiko sa gamot kontra COVID-19.

“Yes [I will do it]. Definitely. That is a no brainer. Sure. No problem,” sabi ni Duque sa panayam ng ANC nitong Lunes.

“I will take it as long as it has undergone scientific evaluation of the Department of Science and Technology’s Vaccine Experts Panel, the Ethics Board Review and the FDA (Food and Drug Administration) which will conduct its own regulatory assessment," dagdag pa niya.

Dapat makapasa sa tatlong pag-aaral ang COVID-19 vaccine bago ito payagang magamit at ibenta sa Pilipinas.

Hinikayat din ni Duque ang iba pang miyembro ng Gabinete na samahan siya na maunang magpabakuna.

Noong Nobember 2018, nagkaroon ng measles outbreak sa bansa dahil bumaba ang tiwala ng publiko sa pagpapabakuna dahil na rin sa kontrobersiyang idinulot ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.—FRJ, GMA News