Himalang nakaligtas sa pananambang sa Quezon City ang isang "impormante" ng National Bureau of Investigation (NBI). Bukod sa biktima na sakay ng SUV na natadtad ng bala ng baril, dalawang bystander din ang sugatan sa pamamaril.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang pananambang sa Holy Spirit Drive kaninang umaga.
Aabot sa 24 na basyo ng bala ng baril ang nakita ng mga imbestigador sa crime scene.
Kahit natadtad ng tama ng bala ang sasakyan, nagawang makaligtas ng biktima na dumapa umano sa loob ng SUV at saka lumabas para makahingi ng tulong.
Nagtamo lang siya ng tama ng bala sa braso.
Tumakas naman ang mga salarin na tinatayang nasa tatlo katao sakay ng kotse.
Ayon sa pulisya, nagpakilalang taga-NBI ang biktima.
Kinalaunan, kinumpirma ng NBI na "impormante" nila ang biktima na nakapagbigay daw sa kanila ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa anti-illegal drug campaign.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen. --FRJ, GMA News