Sinabi ni Laguna Governor Ramil Hernandez nitong Biyernes na humingi sa kaniya noon ng tulong ang pinaslang na si Los Baños mayor Caesar Perez kaugnay sa pagkakasama ng pangalan nito sa listahan ng "narcopoliticians" ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi binanggit ng gobernador kung kailan naganap ang naturang pag-uusap nila ni Perez pero pinayuhan daw niya ang alkalde na hintayin ang resulta ng imbestigasyon para makita kung wala talaga siyang kaugnayan sa droga.
READ: Mayor ng Los Baños, Laguna, binaril at napatay sa loob ng munisipyo
"Hindi po siya komportable doon sa status po niya [Perez]. At bilang governor, lumapit po siya sa akin at humihingi ng tulong. Ang sabi ko naman sa kanya, hintayin natin ang normal na proseso niya at mawawala ka rin naman sa listahan," sabi ni Hernandez sa panayam ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes.
Nitong Huwebes ng gabi, binaril at napatay sa loob ng compound ng munisipyo si Perez ng dalawang lalaki na nakatakas matapos ang krimen.
Hindi masabi ni Hernandez kung may kinalaman ang krimen sa pagkakasama ni Perez sa listahan ng narcopolitician.
Pero sa ngayon ay wala naman daw katibayan na magpapatunay na sangkot sa ilegal na droga ang alkalde.
"Ang alam ko ay doon na nga papunta, dahil ang tagal na wala pa ngang nakukuha o lumalabas na direct link or evidence na talagang involved siya, so sabi ko huwag siyang mag-alala, maki-clear na rin siya diyan," ayon sa gobernador.
Sabi pa ni Hernandez, kung may katibayan ang mga awtoridad na mag-uugnay kay Perez sa ilegal na droga, dapat nailabas na noon pa.
"Personal assessment ko po, talagang papunta na doon dahil wala naman po talagang lumalabas na ebidensya unless otherwise may hawak ang pulis. Kung mayroon naman pong hawak sila eh di dapat matagal na pong nailabas 'yan," aniya.
Kabilang ang pangalan ni Perez sa mga lokal na opisyal na kinasuhan noong 2019 ng Department of the Interior and Local Government sa Ombudsman dahil sa pagkakaugnay umano sa kalakaran ng ilegal na droga.
Ayon kay Hernandez, naghahanap na ng CCTV ang mga imbestigador sa pag-asang matutukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
"Sa ngayon, wala pa ho tayong makuhang witness. 'Yung CCTV ho nire-review na ng pulisya at within the day po magre-report sila sa akin ng update," pahayag ng gobernador.
Inihayag din ni Hernandez na may nabanggit sa kaniya noon si Perez na nagbabanta sa kaniyang buhay pero hindi naman daw nagbigay ng detalye.
"Alam ko mayroon pero hindi naman siya ganoon ka-open na nagkukwento siya ng detalye. Basta ang sinasabi namin mag-ingat na lang siya," ayon sa opisyal.
Bumuo na ang mga awtoridad ng special investigation task group para lutasin ang krimen.--FRJ, GMA News