Inihayag ng Department of Health (DOH) na target ng pamahalaan na matanggal na sa ikatlong bahagi ng 2021 ang community quarantine sa bansa na ipinaiiral dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito ang reaksiyon ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa naging pahayag ni National Economic Development Authority (NEDA) Director General Karl Chua, na asahan daw na mananatili ang quarantine protocols hanggang sa buong 2021.
Ayon kay Vergeire, magiging susi sa mas mabilis na pag-alis ng quarantine ang pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan sa pagpigil sa pagkalat ng virus tulad ng mahusay na surveillance, contact tracing, quarantine facilities, at COVID testing.
Sa ngayon, umiiral sa ilang lungsod at lalawigan modified general community quarantine (MGCQ) at general community quarantine (GCQ).
“Nothing is certain at this point, pinag-aaralan nating mabuti lahat ng posibleng mangyari. Ang milestone na tinitingnan ng gobyerno, dapat by second quarter of next year, lahat ng LGUs (local government units), MGCQ na tayo,” ayon kay Vergeire.
“Kapag nabuo na natin iyong gatekeeping components saka iyong health system capacity is at low risk, maybe by second quarter next year we can shift to MGCQ and hopefully, as months progress after the second quarter, all of us can shift to new normal,” dagdag niya.
Ang MGCQ ang pinakamaluwag na quarantine status kung saan pinapayagan na ang mga edad 15 hanggang 65 na makalabas ng bahay at payagan ang 50% operation ng movie screenings, concerts, sporting events at iba pang entertainment activities, religious services, at work conferences.
Gayunman, nagpaalala si Vergeire na hindi dapat maging kampante ang publiko kapag magkaroon na ng COVID-19 vaccine sa 2021.
“We cannot be complacent. Dapat ipagpatuloy pa rin ang pagpapatupad ng minimum health standards,” saad niya. --FRJ, GMA News