Dalawang menor de edad ang sugatan matapos masaksak sa rambol ng mga kabataan sa Tondo, Manila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.
Kuha sa CCTV ang rambol, na naganap bandang 3 a.m. nitong Lunes o oras ng curfew.
Makikita sa video na pumara ng tricycle ang isang grupo ng mga kabataan. Ngunit bago sila makasakay, nilapitan sila ng isa pang grupo at maya-maya pa'y nagkagulo na sila.
Ilan sa mga kasama sa rambol ay mga babae.
Isinugod ng tricycle sa ospital ang dalawang nasaksak na kapwa 16 anyos. Ayon sa pulisya, parehong sa likod ang tama ng dalawa.
Lima ang tinukoy ng pulisya na suspek -- tatlong babae at dalawang lalaki. Isa sa kanila ang naaresto.
Ayon sa naarestong suspek, kapatid niya ang isa sa mga babaeng nanggulpi. Aniya, umawat lang siya matapos niyang makitang sinasaktan ang kaniyang kapatid.
Ayon kay Barangay Chairwoman Rosanna Garcia ng Barangay 231, hindi taga-Tondo ang mga suspek.
Hindi pa malinaw kung ano ang pinagmulan ng away. --KBK, GMA News