Si Police Major General Debold Sinas ang napili ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging susunod na hepe ng Philippine National Police, ayon sa Malacañang nitong Lunes.
Inihayag ito ni presidential spokesperson Harry Roque, isang araw bago ang pagreretiro ni outgoing PNP chief Police General Camilo Cascolan.
Sinas ang kasalukuyang hepe ng National Capital Region Police Office, naging kontrobersiyal noong Mayo dahil sa kaniyang birthday surprise celebration sa kabila ng COVID-19 protocol na tinawag na "mañanita."
“Presidential appointments are really very executive in character. It is a prerogative of the President and he need not make any explanation for his appointment,” giit ni Roque sa desisyon nitong gawing susunod na pinuno ng kapulisan si Sinas.
“Nonetheless, tiningnan siyempre ni Presidente 'yung track record ng kanyang appointee. Matagal nang sinasabi ni Presidente na talagang si bagong PNP chief Sinas ay napakalaki ng naitulong sa kanyang war on drugs,” dagdag pa niya.
Ayon kay Roque, inaasahan ng pangulo na ipagpapatuloy ni Sinas ang laban kontra sa ilegal na droga at ipagpatuloy ang pangangalaga sa peace and order ng pamahalaan.
Sa kabila ng kinasangkutang kontrobersiya ni Sinas tungkol sa pagharana sa kaniya ng mga tauhan noong kaniyang kaarawan kahit pa ipinagbabawal ang mass gathering dahil sa COVID-19, idinepensa pa rin siya ni Duterte at inilarawan na mabuti at tapat na opisyal ng PNP.
Si Sinas ay nabibilang sa Philippine Military Academy Hinirang Class of 1987. Sasapit ang kaniyang mandatory retirement sa edad na 56 sa Mayo 8, 2021. —FRJ, GMA News