Isang pulis ang lumitaw na suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang Cameroonian na nahuli-cam na binaril habang naglalakad sa Pasay City nitong nakaraang Oktubre.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman  sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang pulis na si Police Corporal Leonel Layson, na nakadestino sa Muntinlupa.

Sa pulong balitaan, inihayag ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas, na suspindido na si Layson at hinikayat niyang sumuko.

Hinahanap din ang sinasabing kasabwat ni Layson na si Katrina Fernandez.

Itinuro umano ng isang testigo si Layson na sangkot sa krimen.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang biktima na naglalakad nang may biglang sumulpot sa kaniyang likod at binaril ang dayuhan.

READ: Pamamaril sa isang dayuhan sa Pasay, nahuli-cam

Lumitaw din sa imbestigasyon ng mga awtoridad na may kaugnay sa pagpapasok ng pera na negosyo ng dayuhan ang motibo sa krimen.

"Yung Cameroonian [victim] parang mag-invest ka [sa kaniya] ng dollars, peso, ido-double it in certain time," sabi ni Sinas.--FRJ, GMA News