Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na umabot na sa P1.1 bilyon ang pinsala sa agrikultura ng Super Typhoon Rolly, ayon kay Secretary William Dar.

Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Dar na tinatayang 20,000  magsasaka ang naapektuhan ni "Rolly," na puminsala sa mga taniman ng palay, mais, at high-value crops.

“As of today, this morning, the initial estimated agricultural damages and losses are totaling P1.1 billion. This has been brought about by the Typhoon Rolly,” anang kalihim.

“Most of the commodities that have been badly damaged are rice, corn, high-value crops during this Typhoon Rolly, with almost 20,000 hectares. And about 20,000 farmers as well have been affected,” patuloy niya.

Sa video post ni Super Radyo dzBB reporter Mark Makalalad, makikitang nakalubog sa baha ang mga sakahan ng palay sa Barangay Mabolo, Naga City sa Camarines Sur dahil kay Rolly.

 

 

Sabi pa ni Dar, nagdulot din ng pinsala sa agrikultura ang naunang bagyo kay Rolly na si "Quinta," na umaabot sa P2 bilyon.

Nangako naman ang DA na magbibigay sila ng tulong sa apektadong sektor.

Kabilang dito ang pamamahagi ng 133,326 bags ng rice seeds at 17,545 bags ng corn seeds.

May inihahanda rin silang tulong sa mga naapektuhang may-ari ng mga nag-aalaga ng livestock at poultry.

Sa mga may palaisdaan na naapektuhan, mamamahagi ang DA ng 10 milyong tilapia at milkfish fingerlings, at maging ilang kagamitan.

Mayroon daw na P400 milyon ang DA bilang quick response fund na gagamitin sa rehabilitasyon.

Magbibigay din ang DA ng P25,000 survival and recovery loan sa mga naapektuhang magsasaka, sabi pa ni Dar.

Kabilang sa mga lugar na labis na sinalanta ni Rolly ay ang Catanduanes, Albay, Batangas at Quezon, at iba pa. —FRJ, GMA News