Sinuportahan ng mayorya ng mga tao sa New Zealand ang ipinasang batas ng kanilang Kongreso para sa euthanasia o mercy killing sa pasyenteng may malubhang karamdaman. Samantala, namimiligro namang ibasura nila ang recreational use ng marijuana.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ng Electoral Commission ng New Zealand na lumabas sa isinagawang referendum na 65.2% ng mga botante ang pabor sa ipinasang batas sa euthanasia.
Ang New Zealand ang magiging ika-pitong bansa na pinapayagan na tapusin ang paghihirap ng isang pasyenteng may taning na ang buhay.
Ang referendum ay ginawa kasabay ng kanilang general election na nagpabalik kay Prime Minister Jacinda Ardern sa kapangyarihan.
Habang sinusuportahan ng New Zealanders ang euthanasia, ibinasura naman ng 53.1% botante ang payagan o gawing legal ang paggamit ng cannabis o marijuana.
Ayon sa Electoral Commission, mayroon pang kalahating milyon boto ang hindi pa nabibilang na karamihan ay galing sa ibang bansa. Bagaman hindi na ito makakaapekto sa boto ng euthanasia, posible naman nitong mabago pa ang resulta ng boto sa recreational use ng marijuana.
Sa ilalim ng ipinasang batas ng euthanasia, nakasaad na ipatutupad ito sa Nobyembre 2021 sa sandaling suportahan ng mga tao.
Nakasaad sa naturang batas na pahihintulutan ang "terminal patient" na hindi na hihigit sa anim na buwan ang tagal ng buhay na humiling na wakasan na ang kaniyang paghihirap.
Ang mga hihiling ng euthanasia ay dapat na may edad 18 pataas at kailangang aprubahan ng dalawang duktor ang kaniyang kahilingan.--FRJ, GMA News