Inihayag ni Senate President Vicente Sotto III na magpupulong ang mga lider ng kinaaaniban niyang partido na Nationalist People's Coalition (NPC) para paghandaan ang darating na 2022 presidential elections.
Ayon kay Sotto, ipinagluluksa pa rin nila sa NPC ang pagpanaw ng kanilang founder at "kingmaker" na si Eduardo "Danding" Cojuangco noong Hunyo.
"We are doing well, still grieving for our loss, but we have met some of our leaders already. Ang usapan namin originally kasi was after the 40th day of Ambassador Danding, the leadership will meet again to focus on the continuation and the leadership of the party," pahayag ni Sotto sa Kapihan sa Manila Bay forum.
"We are preparing for the 2022 elections, we will be meeting soon. Our leadership will be meeting soon," dagdag niya.
Sa kabila ng pagpanaw ni Cojuangco, sinabi ni Sotto na nananatiling solido ang NPC bilang isang partido.
"We have always been the second largest political party who is not in power. We have never been in power since 1992, di ba? Pero pinaka-solid, bihirang [may] umaalis, unless tinanggal," dagdag niya.
Sa ngayon, mayroong tatlong senador ang NPC [Sotto, Sherwin Gatchalian at Lito Lapid], 44 na kongresista, walong gobernor, at ilan pang lokal na opisyal.
Una rito, sinabi ni Sotto, huling termino na bilang senador, na hindi pa siya nakapagpapasya kung tatakbo siya sa mas mataas na posisyon sa 2022 eleksiyon.
Kabilang sa mga ihahalal sa 2022 elections ay ang bagong pangulo at bise presidente ng bansa.--FRJ, GMA News