Pinatakpan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga tattoo ng mga bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) na nagpapakita kung saang pangkat sila kaanib para maiwasan ang gulo sa bilangguan.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing isinagawa ang pagbura sa mga tattoo sa pamamagitan ng “Oplan Bura Tatak” ni BuCor chief director general Gerald Bantag.
“May mga nag-aaway pero hindi katulad noong may mga pangkat. Kapag nasaktan ang isang pangkat, gaganti naman. Nagbabaka sakali tayo na ‘yong culture of violence ng pangkat ay at least mabawasan kung hindi man mawala nang tuluyan,” ayon sa Bantag.
Lahat ng bilanggo o "persons deprived of liberty" ay kailangan umanong makibahagi sa programa. Tanging mga tattoo o marka ng pangkat nila ang tatakpan.
“‘Yong mga tattoo artists natin talagang mga lisensyado. Sila ‘yong (in-charge) na tanggalin kung ano ‘yong pangalan noong pangkat,” ani Bantag.
Samantala, ilang armas din tulad ng mga patalim ang isinuko ng mga "PDL."
“Ito na ang magandang resulta kasi lahat ng armory nila unti-unti na ‘yang ibibigay sa amin, isu-surrender,” sabi ni Bantag.
Kamakailan lang, siyam na bilanggo ang nasawi matapos na magsagupa ang dalawang pangkat sa NBP.
Isinagawa rin ang “Oplan Bura Tatak” sa Correctional Institution for Women at iba pang penal farms sa lalawigan.--FRJ, GMA News