Inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang limang ahensiya ng pamahalaan na uunahin umanong silipin ng bubuuin niyang task force para imbestigahan kung may nagaganap na katiwalian.
Sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Miyerkules, ang limang ahensiya na tinukoy ni Guevarra ay ang:
Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)
Department of Public Works and Highways (DPWH)
Bureau of Customs (BOC)
Bureau of Internal Revenue (BIR)
Land Registration Authority (LRA)
Umaasa si Guevarra na makapaglalabas sila ng resulta ng imbestigasyon sa mga susunod na buwan.
“We are hoping in the next couple of months we'll be able to produce something as a sign that the task force is actually doing its job,” anang kalihim.
Nitong Martes, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Guevarra na pangunahan ang pagsisiyasat sa katiwalian sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Inamin ni Duterte na patuloy ang katiwalian sa iba't ibang ahensiya sa kaniyang administrasyon.
Sa pamamagitan ng task force na pangungunahan ng DOJ, umaasa si Duterte na mababawasan pa rin ang katiwalian bago matapos ang kaniyang termino sa June 2022.
Ayon kay Guevarra, ibabase niya ang prayoridad ng imbestigasyon sa tindi ng katiwalian sa ahensiya.
“Ayon doon sa memorandum na in-issue ng Presidente sa akin na i-consider ng task force 'yung gravity o magnitude nu'ng anomalya o corrupt activity,” anang kalihim.
“So we're talking here about values, magnitude of the funds involved, possible impact on the delivery of government services, to be considered in choosing kung alin ang iimbestigahan ng task force,” dagdag niya.
Aminado si Guevarra na ito ang pinakamabigat na utos na ibinigay sa kaniya ng pangulo.--FRJ, GMA New