Inilunsad ng online platform ng Radyo Veritas846 o Radyo Veritas Philippines ang "Undas Veritas 2020: Pag-alala, Panalangin at Pagkilala kaugnay sa pangingilin ng sambayanang Filipino ng Todos Los Santos."

Ayon sa isang artikulo sa Veritas sinabing nais ng Simbahang Katolika na pamamagitan ng Undas Veritas 2020 ay makapagpadala ang mga kapanalig at mananampalataya ng mga panalangin at pamisa para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa mga nais na magpadasal at magpamisa kinakailangan lamang ang maglog-in sa www.veritas846.ph/undasveritas2020.

Hinikayat din ang mananampalataya na mag-alay ng "love offering" para ipagdasal ang namayapang frontliners kung saan magpapadala naman ang Kapanalig na himpilan ng e-mass card sa pamilya ng namayapang medical o service frontliners sa pamamagitan ng e-mail.

Ang Undas Veritas 2020 tugon ng Simbahan lalu pa’t patuloy na umiiral ang community quarantine sa malaking bahagi ng bansa at pagbabawal sa maramihang pagtitipon.

Una na ring ipinag-utos ng pamahalaan ang pansamantalang pagpapasara ng mga sementeryo sa buong bansa upang maiwasan ang mga pagtitipon at pagkahawa mula sa COVID-19.

 Ayon kay Fr. Roy Bellen, Vice President for Operation ng Veritas, itatampok sa mga programa ang kuwento ng mga banal at mga katuruan ng simbahan na makatutulong sa paglago ng pananampalataya ng mamamayan.

“Bilang mga Katoliko, ang atin pong programa ay tungkol sa katesismo;mga pagpapaliwanag tungkol sa ating pananampalataya na may kinalaman sa mga espiritwal na bagay,’ pahayag ni Fr. Bellen sa Radio Veritas.

Ilan sa mga dapat abangan ng mga Kapanalig sa ‘UNDAS VERITAS 2020: PAG-ALALA, PANALANGIN AT PAGKILALA’ ang pagpapaliwanag tungkol sa buhay ng mga banal at kung paano ito nakatulong sa pananampalataya ng mamamayan.

Tatalakayin naman ni Veritasan anchor Fr. Jerome Secillano ang alituntuning dapat sundin sa cremation upang mabigyang dignidad ang mga yumao at maging ang pagdadalamhati. Ito ay pagbibigay halaga naman sa mga pumanaw dulot ng COVID-19 kung saan sa kautusan ng mga eksperto sa kalusugan na dapat agad sunugin ang bangkay upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.

Auyon sa artikulo sa Veritas, tampok din sa araw ng mga patay ang pagpapaliwanag ng mga exorcist sa pagpaparamdam ng mga yumaong kaanak kung saan isa si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa magtatalakay kasama ang kaanak ng mga napaslang na biktima ng extra judicial killings.

Nauna nang hinimok ng simbahan ang mananampalataya na gawing makabuluhan ang paggunita ng undas ngayong ‘new normal’ lalo’t isinara sa publiko ang mga sementeryo sa bansa mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Nobyembre bilang pag-iingat na lalaganap ang virus. — LBG, GMA News