Kasabay ng pag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang iba't ibang sangay ng pamahalaan na sangkot sa katiwalian, muli naman nanindigan ang Punong Ehekutibo sa integridad nina Public Works and Highway (DPHW) Secretary Mark Villar at Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Sa taped national address na ipinalabas nitong Martes, iniutos ni Duterte sa bubuuing task force na siyasatin ang umano'y katiwalian na nagaganap sa DPWH.
“It behooves upon me to see to it na itong corruption mahinto or at least maputol nang konti,” sabi ni Duterte, na bumuo ng inter-agency body noong Agosto para imbestigahan ang alegasyon ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“I will order your suspension. I need not go to court," saad niya. “Huwag ninyo akong lokohin.”
Sa kabila ng alegasyon ng katiwalian sa DPWH, nanindigan pa rin si Duterte sa integridad ni Sec. Villar, na inilarawan niyang mahusay magtrabaho at naipatupad ang mga pangunahing proyekto ng gobyerno.
Batid din ng pangulo na hindi trabaho ni Villar na hanapin ang mga tiwali sa ahensiya.
“But you know accomplishments alone to me should not suffice para na sa akin, hindi na kay Secretary Villar, because it’s not his job to be running after crooks,” ani Duterte.
Una rito, inihayag ni Villar ang pagbuo niya ng anti-corruption unit sa DPWH para imbestigahan ang mga umano'y anomalya sa kaniyang kagawaran.
Nitong Martes, sinabi ni Villar na wala silang pipiliin sa imbestigasyon ng gagawin ng kaniyang kagawaran kung may mga opisyal man o tauhan siyang sangkot sa anomalya.
“Tuloy pa rin. Siyempre, yung sa amin, it’s also internal. Kailangan din ng internal. And then may external na rin. Of course, we’re happy with the creation of this task force. We welcome the creation of these task forces and we support the president in his campaign,” ani Villar.
“Internally, meron na kaming mga reports and we’ll come out with some findings soon. Both high and low ranking. Wala naman kaming pipiliin,” dagdag pa niya.
Sa hiwalay na pulong balitaan sa Palasyo, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na nanatili ang tiwala ni Duterte kay Villar, anak ni dating Senate President Manny Villar at incumbent Senator Cynthia Villar.
“Kung ganito kayaman naman kasi iyong Secretary at alam natin na very well educated, educated in the best universities in the world and mayroon ding untainted record as a public servant, having served as congressman also of Las Piñas eh talaga naman pong he is beyond doubt,” ayon kay Roque.
“And he’s certainly above corruption in DPWH,” pagdiin niya.
SUPORTADO PA RIN SI DUQUE
Samantala, sinabi rin ni Duterte sa naturang televised address na wala siyang nakikitang dahilan para sibakin o suspindihin si Sec. Duque.
“Mind you, Secretary Duque was not a part of PhilHealth. As a matter of fact, he was not even reporting. That’s why ‘yung Kongreso sabi niya i-suspend or oust si Duque, I said, for what?” tanong ng pangulo.
"What ground would I base my decision? Would I just obey the cry of 1 million as against my assessment na si Duque walang nanakaw kung pera ang pag-uusapan?” dagdag ni Duterte.
Una rito, inihayag ni Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor, na inirekomenda ng kaniyang pinamumunuang House Committee on Public Accounts, ang paghahain ng kaso laban kina Duque at dating PhilHealth president Ricardo Morales.
Ang ulat ng komite ni Defensor ay kaugnay sa isinagawa nilang imbestigasyon tungkol sa umano'y pagwawaldas ng mga opisyal sa pondo ng state health insurer.
Bukod sa isyu ng PhilHealth, iniuugnay din si Duque sa umano'y overpriced procurement ng COVID-19 testing tools ng DOH.
Ngunit ayon kay Duterte, dapat hintayin ng mga senador na kritiko ni Duque ang resulta ng official report sa ginawang bidding sa mga medical equipment na ginamit ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
“He might be some other things but corruption, pera, wala. Kaya wala kayong makuha sa akin. Lahat puro milyonaryo ‘yan,” giit ni Duterte. —FRJ, GMA News