Patay ang isang 14-anyos na binatilyo matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Tondo, Maynila.
Ang biktima, ay inereklamo umano ng pananaksak ng isa pang menor de edad.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Deejay Cabilin.
Nangyari ang insidente Martes ng bandang 11 p.m., kung saan pinagbabaril ang binatilyo sa bahagi ng covered court sa tabi ng barangay hall ng Barangay 56.
Bago nito, makikita sa CCTV na nakaupo si Cabilin kasama ang isang grupo ng mga babae at lalaki.
Biglang dumating ang dalawang nakaitim na jacket na lalaki na sakay ng motorsiklo. Nakasumbrero ang rider samantalang naka-helmet naman ang angkas.
Bumaba ang nakaangkas saka nilapitan ang biktima at binaril nang dalawang beses sa ulo.
Agad na isinugod si Cabilin sa ospital pero binawian din ng buhay. Samantala, sugatan naman ang isa pang menor de edad na pamangkin ni Cabilin.
Pahayag ng Manila Police District, galing ng barangay hall si Cabilin dahil sa reklamo ng pananaksak umano sa isa pang menor de edad sa isang computer shop.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung may kinalaman ang pamamaril sa krimen.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang mga suspek.
Sinisikap pang makapanayam ng GMA News ang pamilya ng biktima at mga saksi sa krimen. —LBG, GMA News