Tinawag umano ni MMDA traffic chief Bong Nebrija na "bollard massacre" ang nangyaring pag-araro ng isang oil tanker sa aabot sa 70 na bollards sa EDSA-Shaw southbound tunnel magadaling-araw nitong Biyernes.
Iniulat ni Mark Makalalad sa "Unang Balita" na sinabi Nebrija na aabot sa 70 na mga bollard ang nabuwal matapos umano mawalan ng kontrol ang driver sa minamanehong sasakyan ala-una ng madaling-araw.
Ikinatuwiran umano ng driver na si Ronald David na pumutok ang gulong sa harapan at likuran ng kaniyang sasakyan kaya siya rumagasa sa bollards.
Ayon kay Nebrija, delikado ang insidente dahil maaaring sumabog ang tanker at sa init ng apoy ay maaaring mag-collapse and MRT structure.
Isinalang sa breath analyzer test ang driver at nakakuha ng 0. 07 reading, na ang ibig sabihin ay nakainom ng alak ang driver, ayon sa ulat.
Sinabi ni Nebrija na magrereklamo sila sa Land Transportation Office upang mag-issue ng show-cause order laban sa driver.
Posible umano itong magresulta sa revocation ng lisensya ng driver.
Aniya, aabot sa 200 daang meto ang haba ng puwang ng mga nabuwal na bollards sa EDSA dahil sa insidente. —LBG, GMA News