Matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek sa pagpatay sa isang rider sa Valenzuela City kamakailan, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na hindi pagnanakaw ang pangunahin nilang motibo sa ginawang pagpaslang sa biktima.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing pinagbabaril ng riding-in-tandem ang biktimang si Luigi Hernando noong Oktubre 9 sa Barangay Paso de Blas habang papauwi na mula sa bangko.

Nang matumba ang biktima, kinuha ng mga salarin ang bag ni Hernando na may lamang pera at tinangay din ang kaniyang motorsiklo.

Ang biktima, nagtatrabaho bilang messenger at collector sa isang kompanya.

“Robbery with homicide by just mere looking doon sa CCTV. But when we investigated and nakuha ‘yung mga pieces of evidence ay ito ay planned,” ayon kay Police Colonel Fernando Ortega, hepe ng Valenzuela City Police.

“Ang primordial intent niya is ‘yung murder. Secondary lang ‘yung pagkuha ng pera,” idinagdag ng opisyal.

Nakilala na ang mga suspek na sina Rico Reyes, alias Moja, at Narciso Santiago, alias Tukmol, na sinampahan ng mga reklamong murder, robbery at carnapping.

Ayon sa pulisya, si Santiago ang driver ng motorsiklo, at may mahaba na umanong criminal record. Pero si Reyes, na lumilitaw na gunman, ngayon lang daw namonitor ng pulisya.

Naglaan ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela ng pabuyang P600,000 o tig-P300,000 sa bawat suspek, sa sinomang makakapagbigay ng impormasyon para madakip ang mga ito.

Bukod kina Santiago at Reyes, hinahanap na rin ng pulisya ang ibang sangkot umano sa krimen, kasama na ang sinasabing mastermind sa pagpatay kay Hernando.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News