Naghain ng "irrevocable resignation" bilang Speaker ng Kamara de Representantes si Taguig Representative Alan Peter Cayetano nitong Martes. Pormal namang iniluklok bilang bagong lider ng kapulungan si Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Inihayag ni Cayetano ang kaniyang pagbibitiw bilang Speaker sa Facebook Live video na ginawa niya sa labas ng kaniyang tahanan sa Taguig.
“Verbally, I am tendering my irrevocable resignation as the Speaker of the House,” ani Cayetano.
“Pakiusap ko sa aking mga kasama, 3 o clock [p.m.], elect your new Speaker and pass the budget,” pagtungkol ni Cayetano sa P4.5-trilyong panukalang national budget sa 2021 na tatalakayin sa special session ngayong Martes.
Bagaman nagbitiw sa kaniyang puwesto, tiniyak naman ni Cayetano na mananatili ang suporta niya kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Humingi rin siya ng paumanhin kung sinuspindi niya ang sesyon noong nakaraang Oktubre 6 kahit hindi pa lubos na naaprubahan ang panukalang budget.
“I made a mistake, I misunderstood that you want me to finish the budget. Humihingi ako ng paumanhin, hindi ko intensiyon na hindi ka sundin,” sabi ni Cayetano para sa pangulo.
“Sa aking staff, I apologize that I was not able to talk to you personally. Magbalot-balot na kayo riyan sa opisina para wala silang masabi sa atin. We will be okay, and we will continue to help our people. Hindi tayo magiging balakid,” dagdag niya.
Speaker Velasco
Sa botong 186, pormal na hinirang ng mga kongresista bilang bagong lider nila sa Kamara si Velasco.
Nitong Lunes, sinasabing 186 na kongresista rin ang sumuporta kay Velasco sa pagtitipon na ginawa ng mga mambabatas sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City.
Binati naman ng Malacañang nitong Martes si Velasco.
“Our congratulations to the new Speaker of the House, [Marinduque] Congressman Lord Allan Velasco, but as I said, that’s a decision of the House of Representatives which the President respects,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque sa pulong balitaan.
Sa kaniyang unang talumpati bilang Speaker, binigyan-diin ni Velasco ang kahalagahan ng "word of honor," patungkol sa kanilang term sharing agreement ni Cayetano sa posisyon bilang lider ng kapulungan.
"A rejection of the agreement is a rejection of palabra de honor, and likewise a rejection of Mayor-President Rodrigo Duterte himself. If this agreement is honored in the breach, what future agreement will not be subjected to doubt and disbelief owing to our failure to honor it?" sabi ni Velasco.
"Let us show our countrymen that loyalty and fidelity to the promises we make are not mere conveniences for us. Let us be good examples of palabra de honor, and demonstrate that our word is our bond," patuloy niya.
Inihayag din ni Velasco na kailangan ibalik ang "sense of statesmanship" sa Kamara.
"To this day, there is that sense of reverence to the memory and the legacy of the men and women who once lit up its hallowed halls," saad ng bagong Speaker.
"It is incumbent upon each and every one of us who follow in their footsteps to respect their memory by living up to the code of honor to which they swore and lived by," dagdag ni Velasco.--FRJ, GMA News