Dinakip sa pamamagitan ng "citizen's arrest" ang isang lalaki matapos niya umanong lokohin at kunan ng pera ang isang grupo ng mga UV express at TNVS driver at operator sa Quezon City. Depensa ng suspek, nabiktima lang din siya ng mga tunay na scammer.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing inalok ng suspek na si Rowell Oliva ang isang grupo ng mga driver at operator para maging shuttle service ng malalaking kumpanya.

Pinangakuan daw sila ni Oliva ng P90,000 hanggang P120,000 na kita kada kapalit ng membership fee at bayad sa pag-asikaso niya sa iba't ibang permit.

Ang isa sa mga biktima na si Jack Austria, nakuhanan ng P60,000 pati ang 27 pa niyang kasamahang driver.

Ngunit hindi natupad ang alok ni Oliva at walang biyaheng nangyari.

Hindi rin daw ito ang unang beses na may naloko ang suspek.

"2018 siya ang nag-offer po sa akin na maglakad ng prangkisa para sa UV express. Hanggang 2019 po, fully paid ko 'yung P80,000. Tapos hindi ko na po na-contact, kahit sa messenger nag-reply pero binlock niya na po ako," sabi ng isa pang biktima na si Sherwin Himantog.

Aabot daw sa P1 milyon ang nakuha ni Oliva mula sa mga biktima.

Kaya naman nagsama-sama ang nasa 50 nabiktima ni Oliva para siya "arestuhin."

Sinabi ni Police Leiutenant Colonel Melchor Rosales, Station Commander ng Fairview Police, na nagkataon naman na may mga pulis sa lugar at rumesponse sa ginawang citizen's arrest ng mga operator.

"Nadawit lang ako sa tao na lumapit sa akin na nagpahanap ng mga unit sa shuttle, ako ang pinapa-front... So 'yung koleksyon ako ang nakatanggap, binigay ko sa kanila, hindi na naibalik sa akin ngayon. Ako ang kawawa ngayon kasi ginawa akong sangkalan," depensa ni Oliva.

Itinuro ni Oliva ang isang alyas "Marian" at "Mike" na nanloko umano sa kaniya, ngunit hindi niya naipakita ang kanilang mga litrato na magpapatunay na mga totoong tao ang mga umano'y scammer.

"Wala akong balak takbuhan, hindi ako lumalayas dito sa Maynila. Ang plano ko sa kanila ako na lang ang mag-shoulder, mababayaran ko po silang lahat," sabi ni Oliva.

Gayunman, desididong sampahan ng mga driver at operator ng kasong estafa si Oliva.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News