Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ang kotseng sinakayan nito sa Marikina City.

Iniulat ng “Unang Balita” nitong Huwebes na tadtad umano ng bala ang katawan ng lalaking kinilalang si Raymond Eugenio.

Nakaligtas naman umano ang babaeng driver ng kotse.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na pauwi na ang mga biktima nang biglang sumulpot ang dalawang motorsiklo sakay ang mga salarin na nakaitim na jacket.

Walong beses na binaril ang bahagi ng kotse kung saan nakaupo si Eugenio.

Iniimbestigahan na ang insidente at palaisipan pa rin umano sa mga pulis kung sino ang nasalikod at kung ano ang motibo sa krimen. —LBG, GMA News