Hinamon ni Speaker Alan Peter Cayetano ang katunggali niyang si Marinduque Representative Lord Allan Velasco na magpakita ng listahan ng mga kongresistang pabor na gawin siyang lider ng Kamara de Representantes.
Ginawa ni Cayetano ang hamon matapos sabihin ng mga kaalyado ni Velasco na mayorya umano ng mga kongresista ay pabor na magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Kamara.
Sa kaniyang Facebook Live video, sinabi ni Cayetano na laging sinasabi ng mga kaalyado ni Velasco na may sapat silang numero para alisin siya sa puwesto pero wala namang umanong maipakitang listahan ng pangalan.
"Why don't you ask them to sign na categorically, sila na, dalhin mo rito, 160, 165, yung listahan, i-check ko lang kung wala ring nakapirma sa akin," saad ni Cayetano.
Matatandaan na isang manipesto ang lumabas noong nakaraang linggo na nagpapahayag umano ng suporta kay Cayetano para manatiling Speaker sa kabila ng kanilang term sharing agreement ni Velasco.
"May numero ka, ipakita mo sa akin, wala kang numero, tumulong ka sa budget, start going to work, pumasok ka na," paghimok ni Cayetano kay Velasco.
Sa ilalim ng Salitang Batas, dapat mayorya ng mga nakaupong kongresista ang makuhang suporta ng isang mambabatas para maging Speaker. Sa ngayon nasa 300 ang mga kongresista, o mahigit 150 ang kailangan na makuhang boto ng aspiranteng maging Speaker.
Ayon kay Cayetano, hindi sapat na sabihin lang ng kampo ni Velasco na mayroon silang numero para makuha ang liderato ng kapulungan dahil kailangan nilang patunayan ito.
"Ilang linggo nang pinag-uusapan ang speakership, puwede bang tanggalin na natin sa topic 'yan, tapusin na natin?" ani Cayetano.
"Welcome ka dito, welcome lahat kayo. Doon po sa mga sinasabing casualties sila, well stop politicking and start working," dagdag pa niya.
Una rito, sinabi ni Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte na tinatayang 200 kongresista ang patuloy na sumusuporta kay Cayetano.
Noong nakaraang September 30 na nag-alok si Cayetano na magbitiw bilang Speaker para maupo na si Velasco, 184 na kongresista ang tumutol.
Gayunman, sa naging pulong nila noon kay Pangulong Rodrigo Duterte, napagkasunduan umano nina Cayetano at Velasco na isagawa sa Oktubre 14 ang pagpapalit nila ng puwesto.
Pero nitong Martes, nagdesisyon ang liderato ng Kamara sa pangunguna ni Cayetano na suspindihin na ang sesyon hanggang sa Nobyembre 16. --FRJ, GMA News