Iminungkahi ni Senate President Tito Sotto kay Speaker Alan Peter Cayetano na kopyahin na lang ng Kamara de Representantes ang bersiyon ng Senado sa P4.5-trilyon na pambansang budget sa 2021 para madali itong maipasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

"Adopt nila 'yung version namin. Bibilis ang bicam," sabi ni Sotto nang tanungin tungkol sa kahandaan ni Cayetano na mapabilis ang proseso sa bicameral committee.

Dumadaan sa bicameral committee ang mga panukalang batas para pag-usapan kung may pagkakaiba ang probisyon sa bersiyon ng Senado at Kamara.

Gayunman, aminado si Sotto na duda siya kung tatanggapin ng Kamara ang kaniyang mungkahi pero lahat naman umano ay posible.

Ilang mambabatas ang nangangamba na "re-enacted" budget ang gamitin sa 2021 kung hindi nila maipapasa ngayong taon ang naturang panukala. Ibig sabihin nito, ang alokasyon sa pondo ng gobyerno ngayong 2020 ang ipatutupad sa 2021.

"We're really staring at the possibility of a re-enacted budget. Isang buwan yung delay sa ine-expect namin. I don't know how but sabi nila sa November 17 daw ita-transmit sa amin, eh kapag inapprove mo in third reading, may printing pa 'yun eh... Ang daming kopya niyan, ang kapal niyan," paliwanag ni Sotto.

Nitong Martes, ipinasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas sa 2021 budget. Sinuspindi na rin ang sesyon hanggang sa Nobyembre 16.

Gayunman, nangako si Cayetano na maipapasa nila sa ikatlong pagbasa ang 2021 budget bill sa Nobyembre 16, at ipadadala nila ang kopya nito sa Senado sa Nobyembre 17.

Kahit suspindido ang sesyon, patuloy naman daw ang gagawing pagrepaso ng Kamara sa budget sa pamamagitan ng binuong "small group" ni Cayetano na makikipag-ugnayan sa mga kongresista.

Ang biglaang pagpasa ng 2021 budget bill at pagsuspindi ng sesyon ay ginawa sa harap ng sigalot sa agawan ng liderato sa Kamara nina Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Sa kabila ng pangako ni Cayetano na maipapadala nila ang kopya ng 2021 budget bill sa Nobyembre 17, naniniwala ang mga senador na kakapusin sila sa panahon para maipasa ito dahil tatagal muna ng isang linggo bago nila ito matalakay sa plenaryo.

Sabi ni Sotto, mayroon na lamang silang 20 working days, para isalang sa interpolasyon o debate ang panukala, pag-amyenda at bicam, bago ang Congressional break sa Disyembre 19.

"Even if we do it Monday to Friday, five days, you are talking about 20 days. Twenty days for interpellations, amendments, and bicam. Sa bicam pa lang siguradong madugo eh," ayon sa lider ng Senado.

Gaya ng mga panukalang batas tungkol sa prangkisa at mga buwis, ang taunang budget ng pamahalaan ay kailangang manggaling muna sa Kamara. --FRJ, GMA News