Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking "ibinubugaw" umano para sa panandaliang aliw ang mga modelo na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ulat ni John Consulta sa “Balitanghali” nitong Lunes, dalawang modelong babae ang nasagip ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment operation laban kay Christopher Torres.

“Nakatanggap kami ng anonymous complaint sa isang asawa na binanggit niya na ang aniyang mister ay nahuhumaling sa mga babae na ino-offer sa Facebook,” ani Atty. Janet Francisco, NBI-Anti-Human Trafficking Division chief.

“Wala na silang gig eh so wala na silang means of income kaya naisipan nila na mag-engage sa ganitong activity,” dagdag ni Francisco.

Ayon pa kay Francisco, lubhang mapanganib ang ginagawang paglipat ng ilang kababaihan sa sex trafficking dahil na rin sa nakahahawang mga sakit na COVID-19 at sexually transmitted disease.

“The fact na ikaw ay nag-e-engage sa ganitong activity, you’re risking yourself na magkaroon ng COVID-19. Aside from the sexually transmitted disease na makukuha niya,” anang opisyal.

Samantala, giniit ni Torres na hindi naman sila namimilit ng mga modelo na sumali sa kanilang ginagawa.

"‘Di po kami namimilit. Depende po sa kanila ‘yon o dahil siguro po sa pandemiya,” ani Torres.

Sinampahan ang suspek ng reklamong violation of the Anti-Human Trafficking Law in relation to the Cybercrime Prevention Act. Hinahanap na rin ang iba pang kasabwat sa online sex syndicate.

“‘Pag ‘di tayo umaksyon, mas marami sa kababaihan natin ang mapapahamak. Bukod sa mga mas malawakang operasyon, makikipag-ugnayan tayo sa mga telco para mas dumali ang ating pagsugpo sa online sexual exploitation ng ating kababayan,” ani NBI director Eric Distor.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News