Isang pugot na ulo ang natagpuan sa kalye ng Florentino Torres, Sta. Cruz, Maynila nitong Huwebes ng gabi.

Sa inisyal na impormasyong ibinigay ng Manila Police District (MPD) nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Oliver Ignacio, isang traffic enforcer at isa ring Navy reservist na residente ng lungsod ng Navotas.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima sa tulong ng kaniyang pinsan na si Marie Anne Esguerra.

Sa salaysay ni Esguerra, Huwebes ng hapon nang makatanggap siya ng tawag na dinukot umano ang kaniyang pinsan habang ito'y nasa impounding area sa Navotas.

Nakatanggap rin daw siya sa kaniyang social media account ng larawan ng pugot na ulo ng biktima.

Agad siyang nagtungo sa tanggapan ng pulisya upang ilahad ang insidente.

Kasunod nito, sinamahan siya ng mga awtoridad sa punerarya at dito na nga niya kinilala ang kaniyang pinsan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng MPD ukol sa insidente.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, nakita ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo ang nag-iwan ng ice box sa gitna ng kalsada na pinaglalagyan ng ulo.

Sadya pa nilang itinagilid ang ice box para lumabas ang ulo ng biktima.—AOL/FRJ, GMA News