Nagpositibo sa COVID-19 ang 74-anyos na pangulo ng Amerika na si Donald Trump at kaniyang asawa na si Melania.

Si Trump mismo ang nag-anunsiyo nito sa kaniyang Twitter post at sinabing naka-quarantine silang mag-asawa.

"We will begin our quarantine and recovery process immediately. We will get through this TOGETHER!" ang pangulo.

Sa hiwalay na tweet, sinabi ni Melani na maayos naman ang kanilang pakiramdam at sa bahay sila naka-quarantine ng kaniyang mister.

"We are feeling good & I have postponed all upcoming engagements. Please be sure you are staying safe & we will all get through this together," anang First Lady.

Maituturing "high risk" sa virus si Trump dahil sa kaniyang edad at itinuturing overweight.

Maayos naman umano ang kalusugan ni Trump bago siya mahawahan ng virus pero hindi batid kung regular siyang nag-e-ehersisyo at kung sumusunod siya sa healthy diet.

Bago nito, magpositibo sa virus ang top adviser at trusted aide ni Trump na si Hope Hicks.

Mayroong mahigit 7.3 milyong kaso ng COVID-19 sa Amerika at mahigit 200,000 naman ang nasawi.

Nangyari ito sa panahong umiinit na ang kampanya para sa darating na US presidential elections sa Nobyembre kung saan muling tatakbo si Trump, at makakalaban niya si Joe Biden.—Reuters/FRJ, GMA News