Sa kabila ng nararanasang COVID-19 pandemic, magandang balita ang hatid ng Department of Agriculture dahil sinimulan na umano ng Pilipinas ang mag-export ng okra o lady finger sa Japan nitong Martes, na magiging dagdag kita sa ilang magsasaka.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng DA na nasa 300 magsasaka ang kabahagi sa pagggawa ng mga export-grade okra products na inani sa iba't ibang taniman sa 14 na barangay sa Tarlac.
Pinangunahan nina DA Secretary William Dar at agripreneurs Jeffrey Fernandez at Rap Pelayo ng Jelfarm Fresh Produce Enterprise ang paunang shipment ng dalawang toneladang okra sa Pair-pags Center sa Pasay City.
“This is an indication that in spite of Covid-19, we are upping the game. Kagaya nitong okra export to Japan, this is a significant development,” sabi ni Dar.
Ayon sa DA, tinatayang limang toneladang okra ang ipadadala sa ibang bansa ng Jelfarm bawat araw sa pagsisimula ng panahon ng anihan. Posible pa umano itong umabot sa 13 hanggang 15 tonelada bawat araw sa peak season.
Ang mga lungsod ng Tokyo, Osaka, Kobe at Nagoya, ang pangunahing merkado umano ng mga okra mula sa Pilipinas.
“We recognize the efforts of Jelfarm for increasing export of okra to Japan. Japan is a key market for our produce and they are fond of eating okra as part of their diet,” ayon sa kalihim.
“It’s a win-win arrangement because the farmers planting these are getting higher levels of income compared to rice,” dagdag pa niya.
Ayon kay Fernandez, naghanap umano noon ang kaniyang ama ng ibang pagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka sa Tarlac dahil sa hindi matatag na kita sa presyo ng palay.
“Ang okra kasi, you can start harvesting within 55–65 days upon seeding and you can harvest it every day for 75 days straight,” paliwanag niya. “It’s a fast turnaround crop, high-yielding crop, and a good source of income for the farmers.”
Sa isang hektaryang lupa, maaari umanong umani ang magsasaka ng mula 500 kilograms hanggang isang toneladang okra sa 75 araw, at kumita ng P80,000 hanggang P120,000.
Palalawakin pa umano ng Jelfarm ang produksiyon ng export-quality okra sa pakikipagtulungan ng DA, Bureau of Plant Industry at farming cooperatives.--FRJ, GMA News