Nag-alok si Speaker Alan Peter Cayetano na magbitiw sa kaniyang puwesto bilang lider ng Kamara de Representantes, isang araw matapos siyang pulungin ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasama si Marinduque Representative Lord Allan Velasco, tungkol sa kanilang term sharing agreement.
Gayunman, tinanggihan ng mga kongresista ang alok ni Cayetano na magbitiw sa puwesto, matapos maghain ng mosyon si Anak-Kalusugan Party-list Representative Mike Defensor.
Sa mosyon ni Defensor na tanggihan ang pagbibitiw ni Cayetano, 184 kongresista ang pumabor, isa ang tutol at siyam ang hindi bumoto.
Inihain ni Cayetano ang pagbibitiw upang mabigyan-daan na umano ang pag-upo ni Velasco bilang lider ng Kamara.
Nitong Martes ng gabi, pinulong ni Duterte sina Cayetano at Velasco para pag-usapan ang pagpapatupad ng kanilang term sharing agreement bilang Speaker.
Batay sa kasunduan, matatapos ngayon Oktubre ang 15 buwan na pag-upo ni Cayetano bilang lider ng Kamara, at hahalili na sa kaniya si Velasco.
Sa pulong kay Duterte, nagkasundo umano ang dalawa na aalis sa puwesto bilang speaker si Cayetano sa Oktubre 14, pero hahayaan umano ang huli na siyang mag-aanunsyo ng napag-usapan.
Pero nitong Martes din ng gabi, lumabas na ang mga impormasyon tungkol sa resulta ng napag-usapan, bagay na hindi nagustuhan ni Cayetano.
"I will not be party to let the President down, so I am offering my resignation here and now to you my dear colleagues. My fate and the fate of the 2021 budget and the fate of the leadership of the House is in your hands," sabi ni Cayetano sa kaniyang talumpati sa plenaryo.
Ayon pa kay Cayetano, sa naturang pagpupulong nila ni Velasco, nakiusap umano si Duterte na ipagpaliban hanggang sa Disyembre ang pagsasalin ng kapangyarihan ng speaker, bagay na tinanggihan umano ni Velasco.
"The President repeatedly asked the Cong. Velasco to move the term sharing agreement to December so that Congress may be able to finish the budget," pahayag ni Cayetano.
"The President asked this not to give me a few months as speaker but because it was for the good of the country," patuloy niya.
Inihayag din ni Cayetano na kung magkakaroon ng halalan sa pagka-Speaker ay hindi umano mananalo si Velasco.
Sinabi pa ni Cayetano na kahit maging speaker si Velasco kapag bumaba siya sa puwesto ay tiyak umanong maaalis din kaagad ang huli sa puwesto.
"Under the Constitution, you need the majority of all members to be elected speaker. So I can step aside. But I can guarantee, he will not be elected," ani Cayetano
"In fact, I will make a fearless forecast: Hindi siya mananalo. Or if I step aside, mananalo siya after one week makukudeta siya. Bakit? Maraming popular sa Kongreso," dagdag niya.-- FRJ, GMA News