Inihayag ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, na chairperson din ng Metro Manila Council, na posibleng isailalim na sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) ang Metro Manila sa Nobyembre.
Pero mangyayari umano ito kung patuloy na bababa ang COVID-19 cases sa Metro Manila at patuloy na susundin ng publiko ang minimum health protocols.
Sa ilalim ng MGCQ, mas maraming negosyo na maaaring mabuksan pero patuloy na ipatutupad ang mga public health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.
Kasalukuyang nasa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
“Palagay ko po hanggang katapusan ng October na ito, matapos natin ang GCQ at hopefully with God’s graces, ito pong dadating na November baka mag-MGCQ na po tayo sa pahintulot ng ating mahal na Presidente,” pahayag ni Olivarez, sa Laging Handa briefing nitong Miyerkules.
Sinabi rin ni Olivarez na pag-aaralan nilang mga alkalde sa Metro Manila na luwagan ang curfew.
“Sa susunod po na meeting po namin, iyan po ay isa sa main agenda po natin para mabuksan na po natin ang economy,” anang alkalde.
Nitong nakaraang linggo, inihayag ng University of the Philippines OCTA research team na pababa na ang datos ng transmission, number of cases, positivity rate, at hospital resource utilization sa National Capital Region (NCR).
"But this positive trend is not irreversible and significant efforts have to be undertaken by all stakeholders to sustain it," anang mga eksperto.
Nitong Martes, inihayag ng Department of Health na nasa 309,303 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa 2,025 na bagong mga kaso, 628 ang mula sa Metro Manila, mas mababa na kumpara sa dating mga naitatalang kaso na mahigit 1,000. Sumunod sa NCR ang Cavite (279), Negros Occidental (218), Laguna (108), at Bulacan (102).--FRJ, GMA News