Arestado ang isang mag-asawang nagtitinda ng cellphone accessories at face mask matapos mahulihan ng shabu sa Quezon City.
Sa ulat ng “Unang Balita” ni James Agustin, sinabing nasakote ang mag-asawa sa kanilang tindahan sa North Fairview ng pinagsamang operasyon ng mga tauhan ng PDEA Region 4-A at ng Quezon City Police District Station 5.
Isang linggo din umanong minanmanan ang mga suspek.
Nasamsam mula sa tindahan ng mga suspek ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Pahayag ng mga awtoridad, sa North Caloocan unang nagtinda ang mga suspek at nang uminit sila doon, lumipat sa Fairview.
Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, dalawang linggo pa lamang umuupa sa Fairview ang mag-asawa.
Wala pang pahayag ang mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng mga pulis.
Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —LBG, GMA News