Nais umano ng mga mambabatas na kasapi sa tinatawag na "supermajority" sa Kamara de Representantes na manatiling lider ng kapulungan si Speaker Alan Peter Cayetano sa kabila ng term-sharing agreement nito kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Inihayag ito ni Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte kasunod ng umano'y plano na patalsikin na sa puwesto si Cayetano nitong Lunes sa pamamagitan ng kudeta sa Kamara.
"If you will ask the congressmen now, the supermajority of congressmen now would like Speaker Alan Cayetano to continue. Why? Nakita naman ninyo yung performance ng Congress, kahit may break nagta-trabaho, tumaas ang rating," paliwanag ni Villafuerte sa panayam ng ANC.
"Kung mayroon mang nagrereklamo, one or two people, which the Speaker will resolve. So that is the sentiment of the members of Congress now," dagdag niya.
Nabuo ang term sharing agreement nina Cayetano at Velasco noong Hulyo 2019 para maiwasan ang pagkakahati ng puwersa ng administrasyon sa Kamara.
Sa kasunduan, si Cayetano ang unang uupong Speaker sa loob ng 15 buwan na magtatapos ngayong Oktubre, at sunod na uupong lider ng Kamara si Velasco para sa nalalabing 21 buwan.
May basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang kasunduan.
Sa panayam sa radyo nitong Lunes, sinabi ni Cayetano na handa siyang bumaba sa puwesto kung hindi na nais ng kaniyang mga kasamahan na manatili siyang lider ng kapulungan.
Inakusahan din niya si Velasco at mga tagasuporta nito na nasa likod ng planong alisin na siya sa puwesto.
"From their side, gusto nila, gentleman’s agreement daw, sumunod ako. Pero I think, pangatlo, pang-apat na coup attempt na nila ‘to e. Tingin 'ata nila na padamihan ng attempt at, finally, kapag maraming attempt, makukuha nila," ayon kay Cayetano.
Hindi pa tumutugon si Velasco sa paratang ni Cayetano.
Ayon kay Villafuerte, hihintayin nila ang pasya ni Pres. Duterte sa usapin ng liderato ng Kamara at kasunduan ng term sharing bago umupo sa puwesto si Velasco.
"Ang sabi namin, we will follow the President. Why? Despite the fact there is a separation of the executive and the legislative, the President is the leader of the coalition. So whatever he says, we will follow," anang kongresista ng Camarines Sur.
"Ako personally I would want Speaker Cayetano to continue. Maganda ang performance niya and I feel, if it comes to a vote, supermajority of congressmen will vote for him," patuloy niya.—FRJ, GMA News