Hinihinala ng mga awtoridad na ang grupong bumaril at pumatay sa isang pulis-Maynila at tumangay ng nasa P2 milyon halaga ng pera at alahas sa isang sasakyan sa Sta. Cruz, Maynila noong Sabado, ay parehong grupo na humoldap at tumangay din ng milyon-milyong pisong halaga ng pera at alahas sa magkahiwalay na establisimyento sa Pasay at Mandaluyong kamakailan.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang nasawing pulis na Police Executive Master Sergeant Roel Candido, na nakasakay sa kaniyang motorsiklo at nakasunod sa isang SUV na hinoldap ng mga salarin.
Napatigil ang SUV nang tumigil ang isang sasakyan sa kanilang harapan, na sanhi naman para mapatigil din si Candido.
Pero bigla siyang pinaputukan ng mga nag-aabang na salarin at kasunod nito ay pinagkukuha na ang pera at alahas sa SUV.
Nakatakas ang mga salarin na nakasuot ng field service fatigue uniform ng Philippine National Police (PNP).
Sugatan din sa pamamaril ang mga sakay ng SUV.
Inatasan na ni PNP chief Police General Camilo Cascolan at Manila Mayor Isko Moreno ang hepe ng Manila Police District (MPD) na si Police Brigadier General Rolando Miranda, na hulihin ang mga salarin at bigyan ng hustisya ang mga biktima.
Ayon kay Miranda, posibleng iisang grupo lamang ang pumatay kay Candido at humoldap ng milyon-milyong pisong halaga ng pera at alahas sa Pasay at Mandaluyong kamakailan.
“Professional ito kasi unang una, hindi basta-basta nila by chance ito hinoldap. Pinagplanuhan ito, matagal nilang pinagplanuhan. Alam nila ‘yung sasakyan… na-pattern nila ‘yung paggalaw,” anang opisyal.
“Four suspects ang ating tinutukoy dito dahil ‘yung tatlong gunman, of course may driver ‘yung Mirage na humarang. Kakontsaba ‘yan,” dagdag pa ni Miranda.
Bumuo na ng tatlong grupo ang MPD upang hulihin ang mga salarin.
“May nagba-backtracking from the store at meron namang nagpa-follow up sa mga witnesses natin at may nagpa-follow up doon sa mga CCTV footage kung saan sila dumaan. Maganda naman ang result. Marami tayong nakukuhang evidence ngayon,” ayon pa kay Miranda. —Julia Mari Ornedo/FRJ/KG, GMA News