Tumagal lang ng 18 minuto ang sesyon sa Kamara de Representantes nitong Lunes, at kaagad na tinapos sa harap ng umuugong na planong pagpapalit ng liderato sa kapulungan na pinamumunuan ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Ilang minuto matapos magbukas ang sesyon, nagdeklara agad si Deputy Speaker Raneo Abu, nagsilbing presiding officer, na suspendihin ang sesyon hanggang 3 p.m. sa Martes kahit wala namang nag-mosyon.
Wala namang tumutol at wala ring naghain ng mosyon na ideklarang bakante ang posisyon ng Speaker at mga Deputy Speaker.
Nitong Linggo, kinumpirma ni presidential son at Deputy Speaker Paolo Duterte, na nagpadala siya ng text message sa mambabatas, na nagsasaad na hihilingin niya sa Mindanao Bloc na ideklarang bakante ang posisyon ng Speaker at mga Deputy Speaker ngayong Lunes.
Ang sigalot ay sinasabing nag-ugat sa umano'y hindi pantay-pantay na alokasyon sa mga kongresista para sa 2021 national budget.
"The text message that I sent to another lawmaker — and is now making the rounds — was an expression of my personal dismay upon hearing the concerns of my fellow lawmakers," ang kay Duterte.
Gayunman, ayaw umano ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na makialam sa iringan ng mga mambabatas patungkol sa alokasyon ng pondo.
Naniniwala naman si House appropriations chair Eric Yap also na mananatili sa kaniyang posisyon si Cayetano.
Nakatakdang bumaba sa puwesto si Cayetano bilang Speaker sa Oktubre alinsunod sa "term sharing" agreement nila ni Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.
Sa panayam ng "Dobol B sa News TV," sinabi ni Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte, nagkausap na sina Rep. Duterte at Cayetano.
"Ang alam ko kasi nag-usap na rin si Speaker and Deputy Speaker Pulong. I think na-settle naman lahat yung mga concerns na pinaparating sa kanya. Even in the same way na kung meron man, aayusin yun," anang mambabatas.
"Kasi ang talagang objective naman ni Speaker Cayetano, people first, politics later. Kung meron man diyang nag-ingay, individual parochial concern niya 'yun at hindi naman dapat maapektuhan ang Congress," dagdag niya.
Nitong nakaraang linggo, inakusahan ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. na nakakuha si Villafuerte ng P11.8 bilyon alokasyon sa Department of Public Works and Highways para sa distrito nito sa CamSur.
Umabot naman umano sa P8 bilyon ang nakuhang pondo ni Cayetano sa DPWH para sa Cayetano.
Itinanggi naman ni Villafuerte ang paratang ni Teves, na umano'y pakana lamang na mang-intriga dahil tagasuporta ito ni Velasco.--FRJ, GMA News