Sinabi ni House Committee on Public Accounts chairman Representative Mike Defensor, na kailangang ipaliwanag sa publiko ng Department of Finance (DOF) ang ginawang pag-utang ng gobyerno ng P1.86 trilyon sa loob lamang ng pitong buwan o mula Enero hanggang Hulyo ngayong 2020.
“People are asking questions about the borrowings, particularly where the money was used and why did we have to borrow at the time each loan was incurred," sabi ng mambabatas sa isang pahayag nitong Huwebes.
"For the sake of transparency, the DOF should account for the debt for the first seven months,” patuloy niya.
Bagaman batid umano ni Defensor ang pangangailangan ng pamahalaan na umutang sa loob at labas ng bansa para tugunan ang krisis na dulot ng COVID-19, sinabi ng mambabatas na dapat pa ring ipaliwanag ng DOF, at ng Department of Budget and Management (DBM) kung papaano ito ginamit para maalis ang mga pagdududa.
"For instance, how much of the P1.86 trillion went to COVID-19 response measures, how much for infrastructure, how much for debt repayment, and how much for salaries, if any?” paliwanag ni Defensor.
Sinubukan ng GMA News Online na makuha ang panig ni DOF Assistant Secretary Tony Lambino pera wala pa siyang tugon.
Ayon kay Defensor, sa ginanap na budget hearing ng Development Budget Coordination Committee, sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na hanggang nitong Agosto 28, nakapaglabas na umano ang DBM ng kabuuang P389 bilyon para sa COVID-19 response.
Sa naturang inilabas na pondo, P266.53 bilyon ay mula sa hindi itinuloy na Projects, Activities and Programs (PAPs) noong 2019 at 2020 budgets, Habang ang P102.06 bilyon naman ay mula sa special purpose funds at P20.48 bilyon sa regular agency appropriations, ayon umano kay Avisado.
Idinagdag ng opisyal na nasa P211 bilyon ang ginamit sa first at second tranche ng emergency cash subsidies para sa 18 milyon na low-income families sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.
Ayon kay Defensor, dapat tukuyin ng DBM ang mga PAPs na hindi na itinuloy para hindi na asahan ng publiko.
“They can post these in their website, indicating the particular PAP, its funding and location. If residents feel strongly that a discontinued PAP is still needed in their community, they could push for its funding in future budgets by communicating to lawmakers, their local officials and even directly to the DBM,” paliwanag ni Defensor.
Nais din ni Defensor na ihayag ng DBM sa Kongreso at publiko kung magkano ang "naipon" ng gobyerno sa gastusin mula nang ipatupad ang lockdown noong Marso.
Paliwanag ni Defensor, malaking halaga ang posibleng natipid ng gobyerno sa panahon ng lockdown dahil sa work-from-home arrangement sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Ang mga natipid ay posibleng manggaling sa bayarin sa kuryente, tubig, telepono, internet, office supplies, gasolina at at iba pang maintenance and other operating expenses (MOOE).
Una rito, iminungkahi ni Defensor na bawasan ng 20 porsiyento ang MOOE, o katumbas ng P320 bilyon para magamit sa COVID-19 response ng pamahalaan. —FRJ, GMA New