Patay ang isang pulis matapos siyang tambangan ng mga hindi pa matukoy na nakamotorsiklong salarin sa Tandang Sora Avenue sa Quezon City nitong Sabado.

Sa ulat ni Luisito Santos ng DZBB sa Dobol B sa News TV, sinabing hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima, ngunit kinumpirma nilang isa itong aktibong personnel ng Philippine National Police (PNP).

 

Kinalaunan ay kinilala na ang biktima na si Police Lieutenant Samar Baharan, ayon sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras.

Ayon sa ilang saksi sa insidente, nangyari ang pamamaril sa pulis dakong 9:15 ng umaga.

Binabaybay ng pulis na sakay ng kulay puti na motorsiklo ang Tandang Sora Avenue sa Brgy. Culiat  nang pagbabarilin siya ng dalawang lalaking magkaangkas sa motor.

Pansamantala munang isinara sa mga motorista ang Tandang Sora Avenue matapos ang pamamaril sa gitna mismo ng kalsada.

Sinisikap na ng mga tauhan ng barangay na makakuha ng ebidensiya na maaaring tumukoy sa mga suspek, tulad ng CCTV footage.

May mga nakitang basyo ng bala ng .45 kalibreng baril malapit sa biktima.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, namatay ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Magreretiro na raw sana ang biktima sa susunod na taon. 

Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pamamaril at kung sino ang mga salarin.

Ayon sa anak ng biktima, noong isang araw daw ay may nakasagutan ang kanyang ama.

Dumating naman sa crime scene kaagad ang mga opisyal ng PNP Community Affairs Development Group ng Camp Crame kung saan naka-assign ang biktima.

"Tulungan natin kaagad financially. Isang utos sa amin ng aming director na magtulong sa mga investigator dito sa insidente na ito para matukoy ang dahilan kung bakit siya nabaril," ani Police Colonel Oscar Nantes ng nasabing opisina. —Jamil Santos/LBG/KG, GMA News