Isang person with disability (PWD) ang nahuli ng mga awtoridad matapos ireklamo ng "car-pasalo" modus kung saan mga talbog umanong tseke ang ibinibigay ng suspek sa kaniyang mga biktimang nagbebenta ng marerematang sasakyan.

Sa ulat ni John Consula sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na naaresto sa entrapment operation ng Highway Patrol Group-4A, na si Jaime Raverirya.

Nakuha rin ng mga awtoridad ang isang AUV na kinuha umano ni Raverirya sa isa niyang biktima.

Ayon sa mga biktima, nagpapakilala ang suspek na tagasalo ng mga sasakyan na malapit nang maremata dahil hindi sila nakapaghulog dahil sa pandemya.

Pinipilit daw ng suspek ang kaniyang bibiktima na pumayag na magpatulong sa problema ng pagbabayad sa sasakyan. Dahil nagpakilalang PWD at mahusay makipag-usap, nakukuha nito ang loob ng kaniyang biktima.

Ngunit kapag nakuha na ang sasakyan, maglalaho na ang suspek at tatalbog ang mga inisyu na tseke.

“Nagpakilala po siya na PWD so parang medyo iba po kasi ‘yung dating, medyo gumaan naman po ‘yung loob ko kasi mabait po ‘yung perception ko doon sa mga taong PWD,” sabi ng biktima.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Alejandro Espiritu, hepe ng HPG-4A regional office, nahuli na rin noon ang suspek sa kaparehong modus.

“Ito pong taong naaresto ay merong track record na rin po. Ibig sabihin nahuli na rin po siya sa ganitong sistema way back 2019. ‘Yung mga ibang sasakyan po ay naibenta na at naidala na sa Bisayas at Mindanao,” aniya.

“Kaya tinitingnan po namin din ito with close coordination po sa mga respective, regional highway patrol units po ng aming Highway Patrol Group,” idinagdag nito.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang suspek at hindi rin pinansin ang kaniyang biktima nang komprontahin siya habang nasa selda. --Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News