Inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Miyerkoles na mayroon nang isang person of interest na maaaring makapagturo kung saan nanggaling ang mga rapid test kits na nagkalat sa isang kalye sa Maynila.
Sa tweet ni Isa Avendaño-Umali ng Super Radyo DzBB, sinabi ni Moreno na dapat maharap sa parusa ang establisyementong pinagmulan ng mga rapid test kit.
"Then another good news. We saw already a person of interest so that we can locate, maybe the clinic, maybe a private office, maybe a hospital or maybe a laboratory," ani Moreno.
PANOORIN: Pahayag ni Manila Mayor @IskoMoreno kaugnay sa kumalat na gamit na rapid testing kits sa kalsadang malapit sa Trabajo Market sa Sampaloc. Aniya, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon dito. @dzbb pic.twitter.com/0pecD2h8H2
— Isa Avendaño-Umali (@Isa_Umali) September 2, 2020
Sa kuha ng CCTV sa bahagi ng Loyola dela Fuente Street, makikitang nahulog ang test kits sa isang butas na sako na nasa loob ng isang padyak na kariton na pinatatakbo ng isang mangangalakal.
Tila hindi namalayan ng mangangalakal ang mga nalalaglag na test kit dahil tuloy-tuloy lang siya sa pagpadyak.
"Ang good news, at least alam nating hindi sinadya," sabi ni Moreno.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing napilitang magwalis ang mga residente sa lugar kahit dis oras na ng gabi. Nangangamba kasi ang mga residente sa posibleng banta sa kalusugan ng gamit nang test kits dahil natagpuan ang mga ito malapit sa Trabajo Market.
Nag-alala rin ang mga taga-barangay dahil kita daw sa test kits ang mga pangalan ng mga sumailalim sa rapid test. Labag daw ito sa privacy law. --Jamil Santos/KBK, GMA News