Nananatili pa rin umano ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III kahit pa iniuugnay ang kalihim sa umano'y mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), ayon sa Palasyo.

“He does because if he has ceased to have trust and confidence then Secretary Duque would no longer be in office,” sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang panayam ng CNN Philippines.

Iginiit ni Roque na nagsisilbi ang lahat ng miyembro ng Gabinete sa ilalim ng tiwala ng pangulo.

Inihayag din ni Roque na karapatan ng lahat na mabigyan ng pagkakataon sa "due process" nang banggitin sa kaniya ang pahayag noon ni Duterte na hindi nito kukunsitihin ang katiwalian sa kaniyang gobyerno "even just a whiff."

Ayon kay Roque, iniutos naman ni Duterte na bumuo ng task force na magsisiyasat sa mga alegasyon ng katiwalian sa PhilHealth.

Sa pagdinig ng Senado nitong Martes, tinawag ni dating PhilHealth anti-fraud legal officer Thorrsson Montes Keith, na “godfather” umano si Duque sa sinasabing mafia na nasa likod ng katiwalian sa PhilHealth.

Ang naturang alegasyon ay itinanggi naman ni Duque, na nagsisilbing chairman of the board ng PhilHealth.

Pero bukod sa PhilHealth, nauna nang pinuna ang umano'y kapabayaan ni Duque bilang pinuno ng DOH sa pagtugon sa krisis ng COVID-19.

Nanawagan ang ilang senador na magbitiw sa kaniyang puwesto si Duque pero nananatili ang suporta sa kaniya ni Duterte.—FRJ, GMA News