Arestado ang isa umanong tulak ng shabu sa isang buy-bust operation sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kasama ring hinuli ang isang pulis na sinubukan umanong pigilan ang pag-aresto sa suspek na kinilalang si Robbee dela Torre, isang delivery boy.

Sinubukan pa raw tumakas ni Dela Torre nang arestuhin siya sa Mother Ignacia nitong Martes ng gabi pero nahuli rin siya.

Aminado ang suspek na sa kaniya nakuha ang nasa 10 gramo ng shabu na may street value na P68,000. Aniya, napilitan lang siyang magtulak dahil sa hirap ng buhay.

Bukod kay Dela Torre, arestado rin si Police Corporal Jose Jake Raposas Jr. matapos umanong makialam nang mahuli na ang suspek.

"Bigla siyang nag-intervene, bumunot ng baril. Nagulat kami so sinabi niya, 'Tropa ako, pulis din ako. Huwag niyo hulihin yan, trabaho namin iyan,'" ani Police Captain Nazarino Emia ng Quezon City Police District Station 10.

"So yun nga, bakit nag-intervene siya? Legitimate anti-illegal drug operation yung ginawa namin at saka area namin ito," dagdag pa niya.

Tumangging magbigay ng pahayag si Raposas, na nahaharap sa reklamong obstruction of justice at grave threat. Kinuha sa kaniya ang kaniyang service firearm.

Sinusubukan pang kunin ng GMA News ang panig ng Eastwood Police kung saan nakatalaga si Raposas. —KBK, GMA News