Pansamantalang ipinatigil ng Pilipinas ang pagpasok sa bansa ng mga manok na galing sa Brazil dahil sa mga ulat na nakitaan ng COVID-19 ang sample ng frozen chicken wings sa China.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, ipinalabas ang memorandum order nitong Agosto 14, na naglalaman ng direktiba sa importation ban bilang “precautionary measure.”
Nakasaad sa Section 10 ng Republic Act 10611 o ang Food Safety Act of 2013 na, "in specific circumstances when the available relevant information use for in risk assessment is insufficient to show that a certain type of food or food product does not pose a risk to consumer health, precautionary measures shall be adopted."
Ayon sa DA, iniulat ng ilang online news agencies na nakitaan ng SARS-COV-2 o COVID-19, ang mga chicken wings na inangkat mula sa Brazil, nang magsagawa ng pagsusuri sa Longgang District of Shenzhen, China.
Ang pagkakatuklas umano ng local disease control centers ng Shenzhen ay bahagi ng routine screenings nila sa imported na karne at seafood products na ipinatupad mula pa noong Hunyo, nang magkaroon muli ng Beijing na iniugnay sa wholesale food center sa Xinfadi.
Ayon sa World Health Organization (WHO), mayroong mahigit tatlong milyong kaso ng COVID-19 sa Brazil, kung saan 103,026 ang nasawi. Malaking bahagi umano ng mga kaso ay mga nagtatrabaho sa meat establishments.
Kamakailan lang, iniulat din na may nakakita umano ang mga awtoridad sa China ng novel coronavirus sa packaging ng imported frozen seafood na hinihinalang nanggaling naman sa Equador.
Ayon pa sa DA, minomonitor ng Bureau of Animal Industry (BAI) at National Meat Inspection Service (NMIS) ang COVID-19-related outbreaks sa mga foreign meat establishments (FMEs).
Kabilang umano sa sinusubaybayan ng dalawang nabanggit na ahensiya ang health status ng mga manggagawa sa FMEs kung sumusunod sa good manufacturing practices (GMP).
Tiniyak naman ng DA na ligtas kainin ang mga manok sa merkado.
“Since this is a COVID-19 issue related to public health, workers engaged in meat establishments, poultry dressing plants, slaughterhouses and meat processing plants, are required to report to the DOH any unusual sicknesses,” payo ng kalihim.
Pinayuhan din ng DA ang mga may-ari ng poultry farm at slaughterhouse na laging makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang licensed veterinarians para matiyak ang kalinisan at maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Nagpalabas din ng panuntunan ang NMIS para maiwasan din ang pagpasa ng virus sa meat establishments. --FRJ, GMA News