Dinala at iginarahe sa compound ng Manila Zoo ang mga tricycle at pedicab ng mga tsuper na lumabag sa mga quarantine protocol sa gitna ng general community quarantine (GCQ).

Sinita ng Manila Traffic and Parking Bureau ang mga tsuper na hindi nakasuot ng mga face mask o gumagamit lamang ng student license, ayon sa Twitter post ni Isa Umali ng Super Radyo DZBB.

Makikita sa post ang mahabang linya ng mga tricycle at pedicab na hinahatak sa impounding area.

 

Isang ginang rin ang napaiyak dahil kasamang nabatak ang tricycle ng kaniyang asawa na pinagkukunan daw ng pagkain ng kanilang siyam na anak.

Pinahintulutan nang bumiyahe ang mga tricyle, pedicab at iba pang mga sasakyan na may side car sa mga national highway nitong Hunyo sa ilalim ng ipinatutupad na GCQ dahil sa COVID-19.--FRJ, GMA News