Humingi ng tulong si Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor sa National Bureau of Investigation (NBI) upang hanapin ang netizen na nagbanta sa buhay ng bunso niyang anak sa social media.
Sa ambush interview ng mga mamamahayag sa Taguig City, sinabi ni Defensor na isang netizen ang nagkomento sa isa niyang post sa Instagram kung saan nagno-novena ang kaniyang batang anak.
"Nagulat ako kasi nung Linggo, parang pinost ko yung the night before the novena noong aming anak. Tapos merong nagkomento doon, 'Papatayin ko yung anak mo, g*go,'" ayon kay Defensor.
Muli raw nagkomento ang naturang netizen na nakasaad ang pangalan ng kaniyang anak na papatayin nito at may kasama ring mga salita na, 'mata sa mata" at "buhay sa buhay."
"Siyempre nakakabahala yung ganun. Hindi mo alam kung saan nanggaling yung, kung ano yung isip ng taong 'yon, at hindi maganda yung ganun," sabi ng kongresista.
Sinabi ni Defensor na pormal na siyang dumulog sa NBI para matukoy ang pagkakakilanlan ng naturang netizen.
"Nagpa-message muna ako para madaling ma-trace. Alam ko dinelete niya e pero nakuha namin yung pangalan and hopefully ma-trace namin ito," pahayag ng mambabatas.
Aminado naman si Defensor na siya man ay nakatatanggap din ng mga pagbabanta at mga hindi magagandang salita nitong mga nakaraan pero hinahayaan lang niya.
"Kung minsan siyempre kapag hindi na masyadong maganda ang lengguwahe, dine-delete 'yan. Pero kung nagmumura lang siya, pinapabayaan ko," ani Defensor.
Paalala niya sa publiko, maging responsable sa paggamit ng social media at igalang ang pananaw ng iba kung salungat man sa kanilang paniniwala.
"Siguro dapat magkaroon din tayo ng disiplina at paggaling sa isa't isa na may mga salitang hindi dapat. May mga gawaing hindi dapat. May mag lengguwahe, pagmumura na iwasan natin," sabi niya.
"Magkaroon man tayo ng iba't ibang pananaw sa pulitika, iba't iba ang ating paninindigan, pero dapat bukas tayo sa pag-uusap at pagsasalita nang hindi nagmumura at nag-aaway," dagdag pa ni Defensor. — FRJ, GMA News