Pinaghahanap at nahuli kinalaunan ang isang babaeng kasambahay at nobyo niyang trabahador matapos umanong tangayin ang P400,000 cash ng kanilang among negosyante sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing naaresto sa entrapment operation ng Valenzuela police ang magkasintahang suspek na sina Jamaica Buenviaje at Marc Andre Dimacutac.

Pero P345,000 cash na lang umano ang nabawi sa magkasintahan.

Sa kuha ng CCTV, nakita si Buenviaje na lumabas sa bahay ng kaniyang mga amo na may bitbit na supot na umano'y pinaglalagyan ng natangay na perang nakalagay sa vault.

“Ang pera do’n, P400,000 mahigit. Nagbawas siya [asawa] ng P100,000. Tapos po nagmamadali siya, ‘yung susi nakalimutan niyang nakasabit sa vault,” kuwento ng among babae na si Josephine Chua.

Kaagad na nagsumbong sa pulisya at ang mga biktima at inilabas naman sa social media ang kuha ng CCTV.

“Natatakot at hinahanap na raw sila ng pulis. ‘Yung lalaki is nag-contact do’n sa victim na isasauli niya ‘yung perang nakuha,” ayon kay Valenzuela police chief Police Colonel Fernando Ortega.

Humingi ng tawad ang magkasintahan kay Chua.

“Nanghihingi po ako ng tawad kay ate. Sana po mabigyan pa po ‘ko ng pagkakataon. Ayaw ko pong makulong,” emosyonal na sinabi ni Buenviaje.

“Sana po mapatawad na po ako ni ate, bigyan niya po ng isang pagkakataon para mapakita kay ate na gano’n talaga ako,” dagdag pa ni Dimacutac.

Nagbabala ang pulisya sa publiko na mag-ingat sa mga magnanakaw ngayong panahon ng pandemya.

“Talaga pong ito ang ina-anticipate namin na dadaming krimen, ‘yang pagnanakaw because alam naman po natin na hirap po tayo sa panahon ng pandemic,” ani ni Ortega.

“‘Wag po tayong sobrang magtiwala at dapat po ay pinipili at inii-screen din po, kinukuhanan ng mga clearances,” dagdag nito.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News