Nilinaw ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi lang para sa mga Manileño ang dalawang drive-thru COVID-19 rapid testing sites na itayo nila sa Maynila.
Sa programang "Unang Hirit" nitong Lunes, inihayag ng alkalde na maging ang taga-ibang lugar ay maaaring magtungo sa drive-thru testing site sa Lawton at Quirino Grandstand sa Lunes para nagpasuri.
Kaya umanong mag-accomodate ng test site ng Lawton ng hanggang 200 katao at 700 naman sa Grandstand, na bukas simula 8:00 am hanggang 5:00 p.m.
Pagtiyak ni Moreno, accurate ang resulta ng test at hindi makakaroon ng false negative o false positive na resulta.
Bagaman wala na umanong kailangang dalhin ang magpapa-test maliban sa sariling katawan at ID, pero first come first serve ang sistema hanggang sa maubos ang nakalaan na test kits sa naturang araw.
Hindi rin lang daw ang mga naka-kotse ang maaaring magpa-test kung hindi maging ang mga naka-motorsiklo, bisikleta o tricycle.
Bukod sa drive-thru rapid testing sites, maglalagay na rin sila ng walk-in testing sa labas ng ospital para hindi na kailangang pumasok sa pagamutan ang mga nais magpasuri. Panoorin ang video para sa buong detalye. --FRJ, GMA News