Nilinaw ng Malacañang na hindi prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-amyenda sa Saligang Batas ngayong may kinakaharap na pandemya ang bansa dahil sa COVID-19.

"Ang totoo po ay nakatutok ngayon ang Presidente, ang buong national government sa pamamagitan ng IATF dito po sa problema ng COVID-19," paliwanag ni presidential spokesperson Harry Roque sa televised briefing nitong Lunes.

"So hindi po prayoridad ang Charter change," paglilinaw niya.

Idinagdag ni Roque na walang binabanggit ang pangulo tungkol sa charter change sa kaniyang lingguhang pagpupulong.

Ang pahayag ay ginawa ni Roque kaugnay sa hakbangin ng mga municipal mayor na amyendahan ang Konstitusyon para mabigyan ng dagdag na kapangyarihan ang local government units.

Ang mungkahi na idinaan sa resolusyon ay ipinadala ng mga alkalde sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kabilang sa mga hangarin ng mga alkalde na madagdagan ang bahaging natatanggap nila sa buwis at mapayagan ang mga dayuhan na makapagnegosyo sa bansa.

Nakatakdang magbukas muli ang sesyon ng Kongreso sa Lunes, Hulyo 27, at muling magdaraos ng kaniyang State of the Nation Address (SONA) si Duterte.

Matatandaan na isinulong noon ni Duterte na amyendahan ang Saligang Batas upang gawing federal system ang pamamahala sa gobyerno pero hindi pa ito umuusad sa Kongreso.--FRJ, GMA News