Inihayag ni Speaker Alan Peter Cayetano na hindi niya iimpluwensiyahan ang kaniyang mga kasamahang kongresista sa gagawing pagpapasya tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, muling tiniyak ni Cayetano na patas at walang itinatago ang ginagawang House joint committee hearings tungkol sa usapin ng ABS-CBN.
Kaya naman pinili raw ni Cayetano na hindi na magsalita sa pagdinig nitong Lunes, kung saan tinalakay ang umano'y hindi pagiging patas ng ABS-CBN sa pag-uulat kahit pa aminado siya na nagkaroon din siya ng problema sa naging coverage ng network noong 2016 elections.
"So, I don’t want to sway members of Congress one way or the other. ‘Yung conscience ay napakaimportante sa boto," giit niya.
"I cannot speak for the parties, kasi mag-uusap-usap din sila, but from the start, we’ve been urging a conscience vote. From the start we’ve been saying na kung ikaw ay pro, open mo ‘yung mind mo dun sa mga umaangal. Kung ikaw ay isa umaangal, open your mind sa sagot nung management," paliwanag niya.
Sa pagdinig nitong Lunes, sinabi ni House good government commitee chairman Rep. Jonathan Sy-Alvarado, na nagsumite na lang si Cayetano ng pahayag tungkol sa umano'y pagiging bias at may pinapaboran ng ABS-CBN noong nakaraang 2016 elections.
Una nang sinabi ni Cayetano, naging running-mate ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 elections, na naranasan din niya ang "unfair airtime" ng ABS-CBN noong panahon ng kampanya.
"Pinili ng ating Speaker na hindi na personal na tumestigo o magtanong sa ABS-CBN upang sa gayon ay mapanatili natin ang pagiging patas sa pagdinig na ito at upang hindi na maimpluwensyahan ang lahat ng partido na may kinalaman sa isyung ito lalong-lalo na ang members ng joint committee," sabi ni Sy-Alvarado sa komite.
Ayon kay Cayetano, naging "so divisive" ang usapin ng ABS-CBN franchise, at umaagaw ng atensiyon mula sa mas importanteng problema tulad ng pagtalakay sa mga panukala tungkol sa pagtugon sa krisis na dulot ng COVID-19.
Ipinapaubaya na raw niya sa publiko ang pagpapasya kung naging patas ba at walang itinatago ang pagdinig ng Kamara.
"Yung fairness, for me, is not decided by sino mas maingay. Meaning, ‘pag mas maingay ‘yung pro, sasabihin nung mga anti, hindi fair; ‘pag mas pumupunto ‘yung mga anti, sasabihin nung pro, hindi fair," paliwanag niya.
"But fairness is really a product of an open mind and allowing both sides to speak," patuloy ng lider ng Kamara.
Inaasahan na magbobotohan ngayong linggo ang mga miyembro ng mga komite kung nararapat ba o hindi na bigyan ng panibagong 25 taong prangkisa ang ABS-CBN.
Ano man ang maging desisyon ng joint committee ay ipadadala sa plenaryo ng kapulungan para pagbotohan ng lahat ng mga mambabatas kung aaprubahan o babaliktarin ang naturang desisyon.--FRJ, GMA News