Inihayag ng Department of Tourism (DOT) na patuloy ang pag-uusap at pagpaplano ng mga lokal na opisyal kapag binuksan sa mga lokal na turista ang mga pasyalan ng Palawan, partikular ang Coron, El Nido at San Vicente.
Sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Lunes, sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, na patuloy ang nakikipag-ugnay nila sa mga lokal na opisyal ng lalawigan.
Posibleng ang unang buksan umano sa turismo ang isang resort sa El Nido.
“Pinag-usapan namin na since June 1 pa sila (Palawan) modified general community quarantine pero ayaw pa nila magbukas. Pinag-agreehan [agree] namin is puwedeng magbukas ang El Nido pero one establishment muna,” paliwanag niya.
“Gusto nila i-dry-run kasi ang El Nido. Zero ang COVID… so you can imagine zero COVID so siyempre kinakabahan sila at natatakot sila na baka kung mag-accept sila from the outside, magka-COVID sila,” paliwanag ni Puyat.
“So ang gagawin namin, dry-run muna sa isang establishment pero bago makapasok, kailangan naka-swab test,” dagdag niya.
Ayon pa sa kalihim, nasa P3 bilyon kita sa turismo ang nawala sa Palawan dahil sa pandemic.
Kasabay nito, nasa 14,000 hotel workers naman sa El Nido, Coron at San Vicente ang nawalan ng trabaho.
Dahil dito, nais ng mga lokal na opisyal na dahan-dahan na buksan ang turismo ng lalawigan na may kasamang pag-iingat.
“Wala nang other means (ang Palawan), tourism kasi talaga eh so importanteng kausapin ang LGU, mga mayors at governor and tignan natin kung paano natin ibubukas pero siyempre slow but sure. ‘Yong hinay-hinay lang tayo,” sabi ni Puyat.
Nitong nakaraang June 16, binuksan na ang Boracay para sa mga lokal na turista mula sa Western Visayas.--FRJ, GMA News