QUEZON - Muling tumaas ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa probinsiya ng Quezon. Sa loob lamang ng dalawang araw ay 11 bagong kaso ang naitala.
Ayon sa Integrated Provincial Health Office ng Quezon, kabilang sa mga nag-positibo sa COVID-19 ay isang doktor at limang nurse mula sa bayan ng Atimonan, Quezon.
Nagsasagawa kasalukuyan ng contact tracing sa bayan.
Sa kabuuan ay may 33 aktibong kaso ngayon ng COVID-19 sa probinsiya mula sa 180 na tinamaan ng virus. Ang mga gumaling na ay umabot sa 133, at 11 naman ang binawian ng buhay.
Balikbayan Caravan
Samantala, inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Danilo Suarez ang programang Balikbayan Caravan.
Layunin ng Balikbayan Caravan na tulungan ang mga overseas Filipino workers na taga-Quezon na nawalan ng trabaho at bumalik sa bansa dahil sa pandemya.
Ang mga OFW ay bibigyan ng magpagkakakitaan o bagong hanapbuhay. —KG, GMA News